| Ang
SONA: Tunay na Kalagayan ng Bayan Noong, Hulyo 26, ang Presidente Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) ay humarap sa Kongreso upang ilahad ang State of the Nation Address (SONA) o ang Talumpati ukol sa Kalagayan ng Bayan. Ginagawa ito ng Pangulo ng Pilipinas taon-taon sa pagbubukas ng Kongreso. Ngunit naiiba ang pagbubukas ng Kongreso sa taong ito dahil ito rin ang pagbubukas ng ika-13 Kongreso, -- at higit sa lahat, ito ang simula ng anim (6) na taong panunungkulan ni PGMA bilang ika-14 na Pangulo ng Bayang Pilipinas. Nitong nakaraang halalan, lahat halos ng kandidato ay may magagandang pangako, mga panukalang maghahango sa ating bayan sa kahirapan. Nag-aabang ang ating mga kababayan kung abot-kamay na nga ang kanilang pangarap na makalaya sa kahirapan at gutom. Ito ang pag-asang dala sana ng SONA para sa ating lahat – ang makaalpas sa mga problemang nagpapahirap sa bayan. Ang SONA ng ating Pangulo ay inaasahang magbibigay ng “ilaw sa gitna ng kadiliman”, magdadala ng magandang balita, ng Pag-asa sa bayang lugmok sa kahirapan. Sa ilang talumpating ginawa na ng ating Pangulo sa iba’t ibang grupo, naglahad na siya ng ilang mga panukalang maaaring maging kasagutan sa ating mga suliranin. Halimbawa, nung nakaraang Huwebes, ika-22 ng Hulyo 2004, siya ay nagbigay ng walong (8) panukala ukol sa ating pagbubuwis. Ayon kay PGMA, ang panukalang ito ay inaasahang maghahatid ng halos walumpung bilyong piso (P80 B) sa kaban ng ating bayan. Nangako rin ang Pangulo na gagamitin nang maayos ang natitirang pera ng bayan at titiyaking alisin ang lahat ng gastusin na hindi kailangan. Maari ngang magdulot ito ng malaking katipiran sa ating bayan. Makakatulong upang maibsan ang dalawandaang bilyong pisong (P200 B) taunang pagkukulang o “deficit” sa ating “national budget”. Lubhang matindi rin ang pangangailangang maayos ang pagbabayad sa ating panlabas na utang na nagkakahalaga ng halos animnapung bilyong dolyar ($60 B). Kailangan ang halagang halos dalawang bilyong piso (P2 B) araw-araw upang mabayaran ang takdang interes at principal ng halagang ating nahiram. Ngunit sa kasamaang palad, hindi halos kasya ang halagang nalilikom ng ating pamahalaan upang sumapat sa ating mga pangangailangan. Sa taong 2005, kailangan nating maglaan ng halagang anim na raan at siyamnapu’t limang bilyong piso (P695 B) para sa nakatakdang utang na kailangang bayaran. Ang halagang malilikom ay tinatayang halos pitung daan at tatlumpung bilyong piso (P730 B) lamang. Ngunit kulang ng halos sampung porsiyento (10%) sa target ang nakokolekta ng ating mga ahensiya. Ang ibang bahagi ng koleksyon ay napupunta lamang sa mga bulsa ng ilang kurakot. Kaya naman wala halos natitira para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, eskwelahan at hospital; o di kaya’y walang pambili ng libro o pambayad sa kawani ng pamahalaan, at marami pang ibang kakulangan. Tiyak, mangungutang na naman tayo para masagot ng pamahalaan ang mga pangangailangang ito. Hirap, hikahos o sadyang bangkarote ang tunay na kalagayan ng ating bayan! Ano ang magagawa ng SONA? Ano ang magagawa ng Pangulo? Sa pakiwari
namin, ang SONA o ang Pangulo ay walang magagawa kung hindi tayo magtutulong-tulong,
magkakaisa at magbibigkis-bigkis upang harapin ang kahirapan at ang
iba pang problema ng ating bayan. Ang SONA ay paglalahad lamang ng mga
panukalang maaring magbigay lunas sa ating suliranin. Ang SONA ay magtuturo
lamang sa daang maari nating tahakin upang makaligtas sa ating mga kagipitan.
Ngunit kung hindi tayo kikilos nang nagkakaisa, walang pag-asang ihahatid
sa atin ang SONA. Mabigat ang problemang nakaatang sa ating bayan. Hindi
ito kayang Kaya nga
hinihikayat po namin kayo na huwag mangiming maki-alam sa pulitikal
na kalagayan ng ating bayan. Makiisa rin sa mga gawain ng ating pamahalaan
para sa ikabubuti ng ating bayan. Iwasan ang mga gawaing higit na makasisira
sa ating pamahalaan sapagkat apektado tayong lahat sa anumang magiging
resulta nito. At, patuloy nating ipanalangin ang kalagayan ng ating
bayan. Ipanalangin din natin ang pamunuan ng ating bayan.
|
www.isacc.org.ph
© Copyright 2004 ISACC. All rights reserved.
Send questions about the web site to: Webmaster.